Hatinggabi
mga tulang nanatiling gising ang puso sa kalagitnaan ng gabi
EKSPRESWAY
Nagdurugtong sa pag-ibig na pinaglayo
Sinusubok ng mga balakid at panahon
Naglalagkit man sa init o abutan ng bagyo
Ihahatid ang puso na sa 'yo paroroon.
WALANG PASOK
Sarado ang mga paaralan
Kandado ang mga tarangkahan
Paano na tayo mahuhubog
kung palagi na lang lumulubog.
Wala na nga tayong mga pasok
Pero pumasok sa walang-wala.
Mga basurang s'yang isinuksok,
Umaalingasaw, bumabaha.
Mananatili ang ilan sa tahanan
Ang iba nama'y inaagos sa daan
Baradong isip ay muling binibilog
May tulog pa ba kung mataas ang ilog
Humahagulgol na yaring mga ulap,
Habang nagdurusa naman itong lupa
Kailan ba mararanasan ang lingap
kung sa pangil, agad tayong humuhupa.
Sa hindi kalayuan, patuloy kitang tinatanaw,
sa iyong munting kilos na sa puso ko'y tumutunaw
Hindi nakalilimot sa mga simple mong pag-ngiti,
sa aking napagtagumpayan sa kabila ng paghikbi.
Kapag hindi ko na isinulat ang dati kong sulat,
Kapag hindi ko na itinala ang dati kong tala,
Kapag hindi ko na yakap ang mga tinik,
Akin nang naapuhap ang mga halik
mga halik ng pamamaalam at pagpapalaya.
Nawa'y maghilom ang ating mga puso;
ibang lunas man ang sa atin ay ipagtagpo.
23/03/2024
PANGARAP
Kung mayroon man akong isusulat sa langit,
iyon ay ang kung paano kita nais makamit.
Kahit hindi ko man sabihin,
at hindi ko man maibigay,
Palagi kong ipararating;
ang tula ang magiging tulay.
Kung may bituin mang tumutupad ng hiling,
dalangin ko sana'y dinggin.
Kung may isang bagay man akong pinapangarap,
iyon ay manatili sa iyong yakap.
Kung may gusto man akong muling makita,
sa aking pagdilat ay ikaw sana.
Kung may hinihintay man akong bumalik,
iyon ay ang iyong pagdating.
At kung may nais man akong muling simulan,
ito ay kung paano natin kapwa winakasan.
Akin pa ring bitbit itong mga alaala
hanggang sa pagpikit nitong aking mga mata
Ikaw yaring awit ng nag-iisang pag-asa
sa 'di mo man pagkapit ay mayroong paglaya.
14/02/2024
madali ang umibig,
mahirap ang mahalin pabalik.
handa tayong maglaan ng oras para sa iba,
gumawa ng bagay na kanyang ikasasaya.
handa tayong isakripisyo ang ibang bagay,
huwag lang bumitaw kanyang mga kamay.
madali lang nating nasasabing mahalaga ka,
subalit tikom ang bibig sa bawat pagtugon niya.
dalisay na pag-ibig ang nais nating ialay,
tunay rin ba ang kanyang gustong ibigay.
madali lang ang magpahayag ng pag-ibig,
mahirap lang na ituring din tayong daigdig.
kaya nating ibigay ang bawat halik at pananabik,
ngunit kaya ba nating tanggaping maaaring walang bumalik.
29/12/2023
Paborito nating maglakad sa dilim
habang tinatanaw ang mga bituin.
Gayundin ang mga parol na palamuti
sa tuwing mamamasyal tayo sa parke.
Parehas silang nagbibigay ng liwanag
Kapwa sila'y parating may ipinahahayag:
Na kung matapos man ang araw at 'di sila masilayan
ang tunay na ningning at kagandahan ay nasa ating kalooban.
Kung muli kitang makitang humihikbi,
nais kong tumigil kahit lang minuto.
Hayaan ang luha sa panyo'y dumampi
nang maibsan ang lungkot ng iyong puso.
Kung muli tayong makabalik sa dati,
nais ko sana'y muli tayong magtagpo.
Mula sa dalawang taong nagkukubli
hanggang sa 'di na mapigilang pagbugso.
Ang bawat isa ang siyang naging susi
sa dalawang pusong labis na nabigo
Yakap ang s'yang naging lunas sa pagpawi
ng mga sugat at sakit na natamo.
Kung maibalik ang nakaraan muli,
damhin sana ang init nitong pagsuyo.
Subalit maaga Ka niyang pinili,
at 'yong tinalikdan ang mundong binuo.
palagi na lamang nagtatalo ang aking isip at puso
na itigil ang pananaginip at tuluyan nang sumuko.
Subalit mas nakapapagod pa palang huminto;
lalo na kung hindi ko naman alam kung paano.
Click here to claim your Sponsored Listing.
Category
Website
Address
Santa Maria