Jammed Pages
at sa paglipas ng panahon, alam ko, mauulit at mauulit ang pagtatagpo ng araw at buwan—alam ko.
14/03/2026
If loving you was a crime, then I must have been guilty long before the trial began.
Your name had already written its quiet sentence in the chambers of my heart, long before I knew there would be laws against the way I looked at you.
You speak of wounds and trembling borders, of peace broken by the sound of my presence—yet if I am the storm you feared, know that I too stood beneath the rain.
I loved you not as a rebellion, nor as a sin against reason, but as a quiet truth my heart never learned to deny.
And if the world still calls it wrong, if time itself stands as the judge between us, then let it be known—
that even now, after silence and distance,
my heart has never learned how to unlove you.
XIX
Jammed Pages
14-03-2026
14/03/2026
May mga taong nagiging pahina
sa aklat ng ating buhay.
Mga pahinang minsang sinubukan nating tiklupin,
minsan pilit kalimutan.
Ngunit may iilang pahina
na kahit anong gawin mo
hindi mo kayang punitin.
Ikaw ang pahinang iyon.
Kaya imbes na burahin,
ginawa ko siyang dahilan para magsulat.
At sa bawat salitang isinusulat ko,
may bakas pa rin ng kahapon—
isang pag-ibig
na kahit natapos na...
patuloy ko pa ring
dinuduyugan.
Jammed Pages
14-03-2026
08/03/2026
May mga sakit na hindi mo makita kung saan nanggagaling.
Katulad mo.
Hindi ko alam kung dapat kitang
iyakan bilang isang alaala,
o hintayin bilang isang bukas.
Para kang bahagi ng katawan na wala na
pero ramdam ko pa rin ang bawat kirot.
Kasing-tindi pa rin ng unang araw;
ang tibok ng puso ko para sa iyo.
Walang nabawas sa init.
Walang nabawas sa bigat...
Ang nagbago lang ay ang katahimikan.
Para akong nakikipag-usap
sa isang anino,
hindi ko mahawakan,
hindi ko mayakap,
pero hindi ko rin maiwan.
Mas madali sanang tanggapin
ang sakit kung alam kong tapos na.
Pero ang maramdaman
pa rin ang isang koneksyong
hindi ko alam kung pinutol mo na,
Iyon ang tunay na p a r u s a.
Nararamdaman
pa rin kita.
Malinaw.
Matindi.
Pero ang katotohanan
ay parang ulap
na ayaw umalis
sa pagitan natin.
Kaya minsan napapatanong ako;
Nariyan ka pa ba?
O ang sarili ko na lang
ang niloloko ko sa
lahat ng sakit na ito?
PHANTOM PAIN
Jammed Pages
08-03-2026
03/03/2026
Hindi lahat ng pag-ibig
ay sabay sumisikat.
Ubos na ang langis ng tinghoy,
Lusaw na ang kandila.
Malamig ang umaga.
Ako ang araw.
apoy na marunong masaktan,
tapang na marunong mapagod,
liwanag na minsan
gustong magtago.
Ikaw ang buwan.
hindi perpekto,
pero palaging pinipili ng gabi.
Mahiwaga,
dahil kahit wala ka,
hinahanap ka pa rin.
Ang dalangin ay hindi na panalangin—
isa na itong tanong
na paulit-ulit kong nilulunok:
Para sa isang pag-ibig na magkalayo;
Isang pag-ibig na di pa nagtatagpo.
Kapag maliwanag ang isa,
kailangang magpaalam ang isa.
Hindi dahil ayaw,
kundi dahil ganito tayo itinakda ng langit.
At sa pagitan ng milyang distansya,
may pag-asa.
oo.
Pero may pagod din,
may sama ng loob,
may gabing ayaw nang umasa
pero umaasa pa rin.
at kaya wala pa ang duyog,
ito'y tanda ng isang pagsubok,
para sukatin ang pagtitiis at pasensya:
ang distansyang kaya pang mahalin.
ang pagitan ng dalawang pusong umiibig.
naglalakbay ang araw,
naghihintay ang buwan,
at sa bawat anggulo,
may tanong na hindi binibigkas:
Hanggang saan ako puwedeng umasa?
May mga pag-ibig na hindi hawak,
hindi yakap,
hindi rin sigurado.
pero patuloy mong pinipili
kahit wala kang pinanghahawakan.
Tulad ng araw at buwan,
na hindi naglalapit sa langit.
pareho pa ring kailangan manalig.
Ito'y pag-uwi ng ang isang naliligaw,
Sa kanyang tahanan.
At habang hindi pa tayo nagtatagpo,
bitbit ko hindi lang ang pangako.
kundi ang takot
na baka
ako lang ang may bitbit nito.
Minsan, ang pag-ibig ay hindi lamang pagtatagpo—
Ito'y dapat pagtatagpo ng ating pag-ibig.
Naglalakbay ang araw.
Naghihintay ang buwan.
At gaya ng duyog:
alam kong posible,
pero hindi sigurado.
At kung magtatagpo man tayo,
sana hindi lang dahil naghintay ka:
kundi dahil
pinili mo rin
akong
s a l u b u n g i n .
Duyog IV: Sa Tahimik na Pananalig
11-1-2026
03/03/2026
Sa madilim na silid,
nananatiling nakabantay ang liwanag,
Munting sinag mula sa kalawakan;
Hindi tuloy-tuloy, hindi pangmatagalan.
Ngunit bawat saglit,
sa bawat tibok ng pusong naghihintay,
nabubuo ang pananabik..
Pilit na ngumingiti sa bawat sandali,
Ang liwanag ay humahaplos sa dingding,
papasok sa kwartong madilim...
Nagbibigay anino sa mga lihim,
sa mga sigaw na nananatili sa sulok.
Sa pagitan ng pagsisiping ng dilim at liwanag,
di mapakali, di mapanatag...
nilalakbay and daan pabalik,
nang minsa'y mga damdami'y nagtagpo,
Hindi ito pelikula,
hindi ito teatro,
isa itong tagpo...
palaging pinananabikan.
isang eksena kung saan;
Ang buwan ay nag-aantay sa pag-ikot ng araw,
Ang araw ay nagbabantay sa pag-akyat ng buwan.
Isang duyog na hindi inaasahan,
Isang pagsasanib na panandalian—
Ngunit sapat ang mga ito
upang damhin ang init ng kahapon,
nang minsang nagtagpo sila sa parehong kalawakan,
isang pahinga ng anino sa liwanag;
Hinahaplos ang puso ng isa’t isa.
Ngunit sa susunod na saglit,
muling mawawala.
At sa bawat gabi, bawat umaga,
Ang buwan at araw ay nagbabantay, nag-aantabay.
ito tayo—ito ang tayo.
isang duyog;
Walang katapusan,
walang simula...
Isang panandaliang pagtugma—
isang panandaliang pag-iisa...
sa gitna ng walang hanggang kalawakan.
DUYOG: Sa Ikatlong Pagkakataon
15-4-2024
03/03/2026
Naubusan ng gaas ang gasera,
Sinindihan ang kandila.
Mas maliwanag na ang tanglaw na hatid ng kandila,
Mas klaro ang bawat detalye sa kwartong nakasara.
Nakatago pa rin ang mga lihim,
Nakikita ang alikabok at dumi,
Mga lihim na kalakip ng liham,
Mga mantsa ng dugo at ng luha—
Mga nanunuot na sigaw sa mga dingding.
Mga hikbi—kalawangin na patalim.
Muling nakipagsiping ang buwan sa araw,
Subalit di na ito matanaw,
Malabo ang langit,
Makapal ang ulap.
Kasing kapal ng usok,
Kasing labo ng alak.
Dati ay dalawang tao ang nagtatagpo sa gitna ng duyog;
Ngayon, dalawang damdamin.
Hindi ito tungkol sa kung sino ang para kanino—
Ito ay tungkol sa ano, bakit, kailan at paano.
Sa pag-iisa ng dalawang bida ng kalawakan,
Sa saglit na pagtatama ng kanilang mga katawan,
Mayroon na kayang mahagilap na kasagutan;
O mas mag-iiwan lamang ito ng mas mabibigat na katanungan?
Sa gitna ng pagsisiping ng dilim at liwanag,
Sa pag-iisa ng dalawang magkaibang elemento ng kalawakan;
Ano? Bakit? Kailan? Saan?
Ito ang ikalawang duyog;
Pangalawang pagkadurog.
Duyog: Ikalawang Yugto.
12-7-2022
03/03/2026
Sa madilim na silid ay nananaghoy,
Munting liwanag lamang ang nababanaag mula sa tinghoy—
Kitang-kita sa bukas na durungawan ang senaryong namumukod;
Ang mailap at minsanang hiwaga na hatid ng duyog.
Ngayon ang pulot gata ng buwan at araw,
Nagkasiping at nagkaisa ang mga damdaming nagkawalay.
Ang repleksyon ng pagsasanib ay nakaukit sa balintataw,
Minsan lang sa buhay na ang ganitong pangyayari ay mainam na masilay.
Nangunyapit ka sa pag-aakalang magsasama nang matagal,
Ipinilit ikubli ang pananabik at pangangatal,
Subalit katulad nang duyog kailanma'y di mananatiling magkasama—
Dahil kahit ang araw at buwan ay nasa isang kalawakan, minsanan lamang silang maging isa.
Pumanaw ang liwanag na hatid ng tinghoy,
Sige lang, di naman masama na ika'y muling managhoy.
Duyog
05-29-2019
Ang hiwaga ng Duyog. 🌘🌙☀️
18/02/2026
Ikaw ang dilaw na Cosmos;
iniwan ng panahon
sa lugar na hindi ko
makayang puntahan.
namumulaklak ka
sa ilalim ng araw
na hindi ko
kasabay sumikat,
sa lupang hindi ko madiligan,
sa mundong ang tanging
paraan ko na lang
ay mahalin ka mula sa malayo.
Pinag-usapan natin ang bukas
na parang sigurado;
na maghihintay ang oras,
na ang dagat ay tatahimik
sa pagitan natin...
na ang pag-alis
ay pansamantalang kuwit lamang
at hindi tuldok.
ang mga pangako’y nakabitin
sa pagitan ng mga
p a g - a l i s
at
p a g b a b a l i k,
mga salitang kalahati
pa lamang
ang naisulat.
Pero umaasa pa rin ako,
na darating ang araw
na mapapagod
ang mga landas
sa paglayo sa isa’t isa...
na ang distansya
ay matutong bumitaw,
at tayo'y magtatagpo;
hindi bilang alaala,
kundi bilang pagpapatuloy.
Magkaharap.
at sa wakas ay matutupad
ang mga pangakong
iniwan nating
nasa gitna ng
mga pamamaalam.
Hanggang doon,
mamuklak ka muna
sa malayo:
at mamahalin kita
kahit hindi kita mahawakan.
Jammed Pages
02-18-2027
16/02/2026
Iba’t ibang kwento ang narinig ko bago pumasok sa eroplano. Iba’t ibang istorya ng buhay at sakripisyo, dumadaan sa tainga ko ang lungkot ng mga usapan, ang ilang mga pag-asa, at ang mas marami pang dahilan kung bakit kailangan nilang lumayo.
Sa paglipad ng eroplano, bitbit ko pa rin ang mabigat na dahilang pag-uwi, at ang dobleng pangungulila sa loob ng bagahe. Ang bawat hakbang paakyat sa eroplano ay tila paghila sa isang kadenang nakatali sa puntod ni Nanay.
Umuwi ako hindi para magpahinga, kundi para magpaalam.
Dahil wala na si Nanay na babati sa pintuan, wala nang ilaw na kusang bubukas sa tuwing darating ako ng gabi. Ang bahay na minsang pahinga ay naging paalala ng pagkawala. Bawat sulok may katahimikan na hindi ko matakasan. Bawat umaga, may kulang na hindi na maibabalik.
At ngayon, pabalik na naman ako sa Oman, hindi dahil gusto ko, kundi dahil kailangan. Mas mabigat ang pag-alis kaysa sa pag-uwi. Dahil sa pagkakataong ito, alam kong may mga maiiwan na umaasa, at may isang hindi na muling masasabi ng “mag-ingat ka.”
Sa pagitan ng boarding pass at mga luha, pinipilit kong unawain kung paano nagiging tahanan ang isang lugar na pinupuntahan lang para magtrabaho, at kung paanong ang tunay na tahanan ay nagiging lugar na kinakatakutan mong balikan dahil wala na ang taong dahilan kung bakit ka umuuwi.
Lumilipad ang eroplano, pero parang naiwan pa rin ako sa bahay, sa lamay, sa yakap na hindi ko na maulit.
At sa paglapag ko muli sa disyerto, dala ko ang bigat ng dalawang mundo: ang bayang iniwan ko, at ang buhay na kailangan kong balikan.
Jammed Pages
02-16-2026
Pasensya na sa matagal na pagkawala. Nagluluksa pa rin ako hanggang ngayon.
Click here to claim your Sponsored Listing.